1 - Anak ko, pakinggan mo ang aking karunungan; ikiling mo ang iyong pakinig sa aking unawa:
2 - Upang makapagingat ka ng kabaitan, at upang ang iyong mga labi ay makapagingat ng kaalaman.
3 - Sapagka't ang mga labi ng masamang babae ay tumutulo ng pulot, at ang kaniyang bibig ay madulas kay sa langis:
4 - Nguni't ang kaniyang huling wakas ay mapait kay sa ahenho, matalas na parang tabak na may talim sa magkabila.
5 - Ang kaniyang mga paa ay nagsisibaba sa kamatayan; ang kaniyang mga hakbang ay nagsisihawak sa Sheol;
6 - Na anopa't hindi niya nasusumpungan ang kapanatagan ng landas ng buhay; ang kaniyang mga lakad ay hindi panatag, at hindi niya nalalaman.
7 - Ngayon nga, mga anak ko, dinggin ninyo ako, at huwag kayong magsihiwalay sa mga salita ng aking bibig.
8 - Ilayo mo ang iyong lakad sa kaniya, at huwag kang lumapit sa pintuan ng kaniyang bahay:
9 - Baka mo ibigay ang iyong karangalan sa iba, at ang iyong mga taon sa mga mabagsik:
10 - Baka ang mga di kilalang babae ay mapuno ng iyong kalakasan; at ang iyong mga pinagpagalan ay mapasa bahay ng kaapid;
11 - At ikaw ay manangis sa iyong huling wakas, pagka ang iyong laman at ang iyong katawan ay natunaw,
12 - At iyong sabihin, bakit ko kinayamutan ang turo, at hinamak ng aking puso ang saway:
13 - Ni hindi ko man sinunod ang tinig ng aking mga tagapagturo, O ikiling ko man ang aking pakinig sa kanila na mga nagturo sa akin!
14 - Ako'y malapit sa lahat ng kasamaan sa gitna ng kapisanan at ng kapulungan.
15 - Uminom ka ng tubig sa iyong sariling tipunan ng tubig, at sa nagsisiagos na tubig sa iyong sariling balon.
16 - Mananabog ba ang iyong mga bukal sa kaluwangan, at mga agos ng tubig sa mga lansangan?
17 - Maging iyong magisa, at huwag sa di kilala na kasama mo.
18 - Pagpalain ang iyong bukal; at magalak ka sa asawa ng iyong kabataan.
19 - Gaya ng maibiging usa at ng masayang usang babae, bigyan kang katiwasayan ng kaniyang dibdib sa buong panahon; at laging malugod ka sa kaniyang pagibig.
20 - Sapagka't bakit ka malulugod, anak ko, sa ibang babae, at yayakap sa sinapupunan ng di kilala?
21 - Sapagka't ang mga lakad ng tao ay nasa harap ng mga mata ng Panginoon, at kaniyang pinapatag ang lahat niyang mga landas.
22 - Ang sarili niyang mga kasamaan ay kukuha sa masama. At siya'y matatalian ng mga panali ng kaniyang kasalanan.
23 - Siya'y mamamatay sa kakulangan ng turo; at sa kadahilanan ng kaniyang pagkaulol ay maliligaw siya.